Linggo, Mayo 12, 2013

Ngiti naman diyan!

              Sa pang-araw-araw nating buhay, napakarami nating nais iparating sa ating kapwa. Kung ikaw ay isang tindero, malaking tulong ang paglalagay ng mga karatula upang makaakit ng mamimili o para hindi siya paulit-ulit na nagsasalita. Mabilis ding maipababatid sa mga kinauukulan ang anumang bagay o anunsyo. Ngunit, may ilang karatulang imbis na makatulong ay nagdudulot pa ng kalituhan. Ang ilan dito ay nakatatawa at may ilan din namang nakaiinis. Para lubos na maintindihan ang aking nais ipahiwatig ay gumawa ako ng kuwento ukol dito para sa inyo (siyempre ako ang bida!).


Bakasyon noon at mainit ang panahon, at dahil nga walang pasok, nagkayayaan kaming magbabarkadang lumabas para lumangoy. Kinabukasan, handa na ang lahat. May kalayuan ang resort na aming pupuntahandalawang sakay pa ng dyip para makarating doon.
 
 Sa unang dyip na aming nasakyan, kapansin-pansin ang karatulang nakapaskil doon. Naintindihan naman naming "fare" ang ibig nitong sabihin pero napaisip din kami kung paano nga ba  kung "minimum fear" nga yun, dapat bang matakot talaga? At bawal ang bahagyang matakot lang kasi may "minimum"?


 


  Pagbaba namin ng dyip ay hindi napigilang tumawa ang isa sa mga kasama ko. Nang tanungin namin siya kung bakit, ay tumuro siya sa tindahan ng tsinelas at nagtanong sino ba kasi si Stepen? At bakit bente pesos lang siya? Lahat tuloy kami napatawa… Step-in pala ang ibig nitong sabihin.


Bago kami sumakay muli ng dyip ay bumili na kami ng tanghalian namin. Unang kainan na nadaanan namin ay ang Seafood & Oriental Restaurant. Mukha namang masarap ang pagkain dito, may isang problema lang, bukod sa mukhang mamahalin ang mga pagkain dito ay kumakain pa sila ng mga Europeans, ano ba 'yun?

Tinawag naman ng karinderyang ito ang aming pansin dahil sa kanyang nakaaasar na pangalan, Mang Inasar BBQ. Bukod sa alam naming "maaasar" ang ibig nitong sabihin at hindi "maasar" ay maaasar ka raw sa sarap. Naintriga kami rito kaya’t dito na kami bumili ng aming pananghalian at tunay ngang naasar kami sa sarap! 

 Noong nakabili na kami ng pananghalian ay tumungo na kami sa terminal ng dyip papunta sa resort. Biglang naihi naman ang aming kasama  kaya't sinamahan namin siya sa palikuran. Doon ay may nakita na naman kaming nakatatawang  karatula. ‘Babae EHI - BAWAS, LALAKE EHI LANG. Maliban sa alam naming "lalaki" ang tamang baybay ng "lalake" ay ibig din ba nitong sabihin ay bawal magbawas ang lalaki?
 
Pagkatapos umihi ay sumakay na kaming muli ng dyip. At oo, may nakatutuwang karatula na naman kaming nakita. Conyo at medyo sosyal pa ang dating nito: "Pull D String 2 make Para" at nakatutuwa rin naman kasi may pagkamoderno yung dyip.
Sa wakas nga ay nakarating na rin kami sa resort. Pagkatapos magbayad ay naghanda na kami para lumangoy.
Sa may "shower area" ay may nakapaskil na mga "Rules and Regulations" ng resort.
          Sa unang tingin ay mukha namang tama, pero kapag binasa mo na ang mga ito ay mapapansin ang ilang mga kamalian tulad ng ika-3. "Prohibited drugs are not allowed". Paulit-ulit lang ba ito? Prohibited na nga, not allowed pa? Hindi ba kapag prohibited talagang not allowed na naman? Ika-4, "Shower first before deeping to the pool." "Deeping" ba talaga o "dipping"? Sa tagalog, magbasâ muna bago magpakalalim? o lumublob? Ika-7, "We are not responsible for any losses of your valiable things." Ano ba ito? Ingatan ang mga "valiable things"? Hindi ba't "valuable" dapat? Ika-10, "For you convinience please ask for assistance." Ano daw? Hindi ba dapat "convenience" iyon? Hay nako, nakaloloko!
Naging masaya naman ang lahat. Masarap ang naging kuwentuhan at nakapagpalamig naman kahit paano. Noong pahapon na ay naggayak na kaming lahat para umuwi.

Nakatutuwang isiping sadyang masayahin lang tayong mga Pinoy. Buti na lang at kathang kuwento lang ito kasi kung nagkataong sa iisang araw lang nakita ang mga ito, paano na? Napagtanto ko na kung minsan may mga karatulang nakatutuwa sa pagbabakasakaling makatawag ng pansin upang sila’y kumita ngunit kadalasan ay mapapailing ka na rin lang dahil napakasimple lang naman ng ilalagay o isusulat, nagkakamali pa.  

             Maaaring may ilan sa makababasa nito ay nasiyahan, at mayroon din  namang nainis at nalungkot. Ngunit sa huli, maipagmamalaki pa rin natin ang pagiging Pilipino, dahil sa kabila ng lahat ng problemang dumaraan sa atin, nagagawa pa rin nating tumawa sa pamamagitan ng mga karatulang ito.

Sabado, Mayo 11, 2013

Buhay Manok



http://www.thejrexperiment.com/wp-content/uploads/2013/03/chicken+man.jpg



Kadalasang nabubuhay ang alagaing manok sa loob ng apatnapu’t limang araw, at sa huling araw nito ay kinakatay ito upang ipagbili o di kaya nama’y kainin.

Ngunit paano kaya kung nabubuhay lang ang tao sa loob ng apatnapu’t limang araw? Mabilis din ang paglaki at pagtanda at sa huling araw ay mamamatay.

Paano na lang kung…

Unang araw:                Bagong silang pa lang…
Ikalawang araw:       Matututo ng gumapang, umupo, tumayo, maglakad at magsalita.
Ikatlong araw:             Matatas nang magsalita. Marunong na ring kumilala ng kulay at mga bagay-bagay sa paligid.
Ika-apat na araw:        Handa nang pumasok sa eskwelahan.
Ika-sampung araw:      Pagtatapos ng elementarya.
Ika-labing apat na araw: Pagtatapos ng sekondarya.
Ika-labing walong araw: Pagtatapos ng kolehiyo.

Labing walong mahahalagang mga araw upang pag-aralan lahat ng bagay sa buhay. May nalalabi pa tayong dalawampu’t pitong araw upang planuhing mabuti ang mga bagay na dapat nating gawin.

Kung mapagdadaanan mo ang mga araw na ito na makapag-aaral ka, napakasuwerte mo na, hindi ko lang lubos maisip kung paano ko ipagsisiksikan lahat ng mga dapat kong pag-aralan sa loob lang ng labing walong araw. Hindi ko rin lubos maisip kung papaano ka pa magkakaroon ng love life sa mga araw na iyon.

Simula sa ika-labing siyam na araw: Magtatrabaho? Maglilibang? Tutuparin ang pangarap? Mag-iipon? Magnenegosyo? Suwelduhan kada oras? Manliligaw o magpapaligaw? Mag-aasawa? Magkakaanak? Sa madaling salita, napakarami nating gustong gawin. Napakaraming dapat matutuhan at malaman at napakarami ring dapat isaalang-alang.

Parang kailan lang, tinuturuan pa lang tayong maglakad ng mga magulang natin. Tila napakabilis ng nagdaang labing walong taon sa akin. Paano pa kaya kung labing walong araw lang iyon. Maaatim kaya nating palipasin ang isang segundo man lang para makapagpasalamat sa mga magulang natin, at masabi sa kanilang mahal natin sila? Maipagwawalang bahala ba natin ang mga segundong daraan upang balewalain lang ang ating pag-aaral?

Sa totoo lang, maikli lang talaga ang buhay. Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo naririto. Ikaw? Paano mo balak gamitin ito?

Linggo, Mayo 5, 2013

Hawa


             Nitong mga nagdaang linggo ay napagusapan namin sa klase ang tungkol sa tugmaan ng mga tradisyonal na anyo ng tula at muli akong napaalalahanan na hindi kinakailangang magkatulad ang huling titik o ang huling dalawang titik ng isang salita para tumugma sila. Ibig sabihin basta kabilang sila sa pangkat ng malakas o mahina o may impit o walang impit ay magkatugma sila. Para mas maunawaan namin ito ay nagpagawa ang aming guro ng isang pagsasanay upang mahasa ang kakayahan namin sa pagtutula at pagtutugma ng mga salita.

             Noong ginagawa ko ang aking pagsasanay ay kaakibat ko ang UP Diksiyonaryong Filipino upang matiyak ko kung ang salitang ito ay may impit ba o walang impit. Habang ako'y nagbubuklat ng naturang diksiyonaryo ay napansin ko ang mga kakaibang mga marka sa taas ng ilang mga letra at kinalaunan ay nalaman kong tuldik ang tawag sa mga ito. May anim na uri ng pagbigkas dito: maragsa, malumi, mabilis, malumay, mariin at malaw-aw. Noong nabasa ko ang mga ito, bigla kong naisip ang wikang Intsik, na katulad ng wikang Filipino, ay malaki rin ang bahagi ng mga tuldik sa ibig sabihin ng salita.

             Para mas maunawaan ito, ibig kong maging halimbawa ang salitang "hawa" na ayon sa UP Diksyonaryong ay may 6 na iba't ibang uri ng pagbigkas:

                         háwa png 1: lánit 2: Med pagkalat at pagkapit ng anumang
                         karamdaman mula sa isang tao patungo sa isa pa 3: pagiging
                         sangkot

                         hawá png: bakúran

                         hawà png: pagbibitiw

                         hawâ png: lulà

                         háwa pnr: ibá

                         hawà pnr: nakahiwalay o nakabukod

             Napakalaki talaga ng bahagi ng mga tuldik para lubusang maunawaan ng tao ang ibig mong sabihin. Kaya ang masasabi ko na lang ay:

             Ang hawa ni Mang Pekto sa trabaho ay may dalawang dahilan: una, madalas na siyang  mahawa tulad ng hawang kaedad niya at pangalawa, ibig niyang alagaan ang aso niyang hawa sa kabilang hawa dahil sa nakahahawang sakit nito.

             Tingin mo, anong ibig kong sabihin?

             Sirit ka na ba? Mag-comment sa ibaba kung interesadong malaman ang tamang sagot.

Sanggunian:
Almario, Virgilio S., ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Revised ed. Pasig City: Anvil Publishing, 2010.

Sabado, Abril 27, 2013

Kadena




http://2.bp.blogspot.com/-aTPW1bhAYXQ/UDTbyEGFS4I/AAAAAAAACG8/VeXY3t60Uec/s1600/broken-chain-1024x768.jpg


Magsisimula ang lahat sa isang kuwento:

Dati, hindi ako naniniwala sa mga ganitong sulat hanggang sa mabalitaan ko ang nangyari sa aking kaibigang si Rey. Noong isang araw lang ay nakatanggap siya ng parehas na sulat na natanggap ko ngayon…

Tapos ang nilalaman ng sulat:

            Sa kinauukulan,

Sa kung sinuman po ang makababasa nito, ako po si Ruby, labing walong taong gulang. Nais ko po sanang humingi ng inyong tulong para sa aking kakambal na si Rose. Pinagtangkaan po kaming gahasain noong nakaraang lingo ng limang kalalakihan. Nagkaroon po kami ng pagkakataong tumakas ngunit sa kasamaang palad ay nahuli siya ng mga kriminal. Pagkatapos siyang gahasain ay binalatan pa ang kanyang mukha upang hindi agad makilala, at ang kanyang katawan ay inilagay sa loob ng drum at isinimento.
Hindi pa nakukulong ang mga salarin at nitong mga nagdaang araw ay hindi ako pinatutulog ng aking kakambal. Napapapikit pa lang ako ay isang malamig na pakiramdam sa aking mga paa ang gumigising sa akin, na para bang ako’y hinihila, at sa aking paglingon ay naroon ang aking kapatid na nagsasabing samahan ko siya. Duguan siya at walang mukha. Takot na takot ako noong tinanong ko siya kung paano ko ba siya matutulungan para tigilan na niya ako. Ang sabi niya sa akin ay gumawa daw ako ng sulat. At sa sulat na iyon ay ibahagi ko raw ang aming dinanas noong gabing iyon hanggang sa kasalukuyan. Sa paraang ito ay nais niyang mahanap ang mga gumawa sa kanya nito.

At ang konsikuwensya:
           
Nais niyang ipamahagi ko ang sulat sa limang taong aking kakilala upang ipabatid sa kanila ang nangyari sa amin. Ang limang taong ito ay aatasan ding ipamahagi muli ang sulat sa tig-lilimang tao pa. Sa oras na ang sulat ay mababalewala ay dadalaw ang aking kapatid sa sinumang may hawak ng sulat na nabalewala upang patotohanan ang nakasaad sa sulat na ito. Gayun din ay para pakiusapang ibahagi ang sulat sa iba.
Dagdag pa ng aking kapatid ay titigil lamang siya sa oras na mapasakamay ng mga kriminal ang sulat. At kapag ang mga kriminal ay 'di makumbinsing sumuko sa mga kapulisan, ay ipadadama ng aking kapatid ang hirap na kanyang dinanas sa mga ito.

                                                                                                Sumasainyo,

                                                                        Ruby
(sariling gawa ng may-akda)

Ang mga pruweba:

Mula ng maiabot ni Ruby sa mga kaibigan ang sulat ay hindi na siya muling ginambala pa nito. Si Malou Saavedra ng Tandang Sora, Quezon City ay inatake sa puso isang gabi matapos matanggap ang sulat na ito. Ang sabi ng kanyang pamangkin ay nakita raw niya ang sulat na ito sa paanan ng kanyang tiyahin. May natagpuan ding bakas ng kamay sa kanyang mga paa. Kaya’t ng kanya itong mabasa ay gumawa siya agad ng limang kopya pa nito at ipinamahagi. Hindi naman daw nagpakita sa kanya si Rose.

Si Rey Tiñana ng Dasmariñas, Cavite ay pinagpakitaan din ni Rose, noong araw na malimutan niya itong ipamahagi. Hindi naman daw siya sinaktan, ngunit ang pagpapakitang iyon ang nagsilbing paalala ng kanyang tungkulin.

Marami pang mga pangyayaring naganap pagkatapos noon ngunit 'di na naitala upang manatiling maikli ang nilalaman ng sulat.

Sa aking pagsasaliksik:

Ang mga chain letters ay kadalasang naglalaman ng mga mensaheng kumukumbinsi sa mga mambabasa para maipasa/ipabasa ang sulat na iyon sa iba pa. Kalimitang may mga pangakong suwerte ang sulat o di kaya nama’y mamalasin o mumultuhin o dadalawin ng kung ano-ano kapag hindi nagawa ng mambabasa ang nakasaad sa sulat. Sa kasalukuyang panahon, hindi na lang sa aktuwal na mga sulat kumakalat ang chain letters/messages kundi pati na rin sa mga e-mail, social networking sites at maging sa text.


May dalawang uri ang Chain Letter
1.     Panlilinlang. Ito ay ginagamit upang makapanloko. Maaaring iutos ng gumawa ng sulat na magpadala ng pera sa isang account sa bangko, upang makatulong at suwertehin.
2.     Urban Legend. Ito naman ay karaniwang nagdadala ng takot sa mga makababasa ng liham.

Sadyang napakalikot nga ng pag-iisip natin. Sa totoo lang lahat ng chain letters ay walang negatibong epektong naidudulot kundi ang masasayang mong oras sa pagbabasa at pagpapasa ng mga ito.

Sa huli, tanging pananalig lang sa Diyos ang makapagliligtas sa iyo sa anumang kapahamakan. Kung mahina ang paniniwala mo, talo ka.

Note:  Ipasa sa sampung kaibigan at may suwerteng darating sa ’yo makalipas ang dalawampung libong taon. 

Biyernes, Abril 26, 2013

Kontrast


Inatasan kami ni Sir Egay na gumawa ng baryasyon ng unang dalawang linya ng kanta ng Eraserheads na may pamagat na "Ang Huling El Bimbo" na hindi pa nagagawa ng kanyang dating klase o ni Adam David sa kanyang libro na The El Bimbo Variations. Dito sa aking blog, sinikap kong gumawa ng sarili kong baryasyon. Typographic art na ginawa ni Christian Bök na may pamagat na "Odalisque" ang aking naging inspirasyon dito.



Dahil sa maraming kabataan ngayong hindi na nakakikilala kay Paraluman, gumawa ako ng isang tulang may adaptasyong banyaga. Ang tawag dito sa tulang aking ginawa ay English Rondeau na nang galing sa England. Ginawa ko ito dahil naniniwala akong hindi sapat lamang na ipakilala si Paraluman sa visual poetry bagkus dapat din sa isang tulang tradisyonal, may tugma at sukat. Sa pamamagitan din nito, lalong maipapakita ang pagkakaiba ng dati at ngayon. Kaya narito ang tulang aking ginawa:



Kamukha noon ni Paraluman,
Sa pagsayaw, hahanga sino man;
Mga bata pa nga kami noon;
Kahit na anuman ang panahon,
Napapasaya ang karamihan.

Nais ko ngang ikaw ay ligawan;
Ngunit, ako ay nag-alinlangan;
Humahanap ng pagkakataon;
Kamukha noon...

Isang araw ako’y sinamahan;
El bimbo nga, ako’y tinuruan;
'Di sinayang ang pagkakataon,
Inabot na nang buong maghapon;
Ligaya nati’y 'di matawaran.
Kamukha noon...