Sabado, Abril 27, 2013

Kadena




https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjqTib0AeRXaSghE99Fy5B9tN-p5hIrrgRWtocMixUjD3Da0VV_SFrYxZz05Poa2uXCd7JA6GDlTRqpWh1VDB7-mZ-jWSsIakNHLRjtYhyphenhyphenlEngq3_ctHQTen0ugwNw4OohS-vDKA7D0gPtl/s1600/broken-chain-1024x768.jpg


Magsisimula ang lahat sa isang kuwento:

Dati, hindi ako naniniwala sa mga ganitong sulat hanggang sa mabalitaan ko ang nangyari sa aking kaibigang si Rey. Noong isang araw lang ay nakatanggap siya ng parehas na sulat na natanggap ko ngayon…

Tapos ang nilalaman ng sulat:

            Sa kinauukulan,

Sa kung sinuman po ang makababasa nito, ako po si Ruby, labing walong taong gulang. Nais ko po sanang humingi ng inyong tulong para sa aking kakambal na si Rose. Pinagtangkaan po kaming gahasain noong nakaraang lingo ng limang kalalakihan. Nagkaroon po kami ng pagkakataong tumakas ngunit sa kasamaang palad ay nahuli siya ng mga kriminal. Pagkatapos siyang gahasain ay binalatan pa ang kanyang mukha upang hindi agad makilala, at ang kanyang katawan ay inilagay sa loob ng drum at isinimento.
Hindi pa nakukulong ang mga salarin at nitong mga nagdaang araw ay hindi ako pinatutulog ng aking kakambal. Napapapikit pa lang ako ay isang malamig na pakiramdam sa aking mga paa ang gumigising sa akin, na para bang ako’y hinihila, at sa aking paglingon ay naroon ang aking kapatid na nagsasabing samahan ko siya. Duguan siya at walang mukha. Takot na takot ako noong tinanong ko siya kung paano ko ba siya matutulungan para tigilan na niya ako. Ang sabi niya sa akin ay gumawa daw ako ng sulat. At sa sulat na iyon ay ibahagi ko raw ang aming dinanas noong gabing iyon hanggang sa kasalukuyan. Sa paraang ito ay nais niyang mahanap ang mga gumawa sa kanya nito.

At ang konsikuwensya:
           
Nais niyang ipamahagi ko ang sulat sa limang taong aking kakilala upang ipabatid sa kanila ang nangyari sa amin. Ang limang taong ito ay aatasan ding ipamahagi muli ang sulat sa tig-lilimang tao pa. Sa oras na ang sulat ay mababalewala ay dadalaw ang aking kapatid sa sinumang may hawak ng sulat na nabalewala upang patotohanan ang nakasaad sa sulat na ito. Gayun din ay para pakiusapang ibahagi ang sulat sa iba.
Dagdag pa ng aking kapatid ay titigil lamang siya sa oras na mapasakamay ng mga kriminal ang sulat. At kapag ang mga kriminal ay 'di makumbinsing sumuko sa mga kapulisan, ay ipadadama ng aking kapatid ang hirap na kanyang dinanas sa mga ito.

                                                                                                Sumasainyo,

                                                                        Ruby
(sariling gawa ng may-akda)

Ang mga pruweba:

Mula ng maiabot ni Ruby sa mga kaibigan ang sulat ay hindi na siya muling ginambala pa nito. Si Malou Saavedra ng Tandang Sora, Quezon City ay inatake sa puso isang gabi matapos matanggap ang sulat na ito. Ang sabi ng kanyang pamangkin ay nakita raw niya ang sulat na ito sa paanan ng kanyang tiyahin. May natagpuan ding bakas ng kamay sa kanyang mga paa. Kaya’t ng kanya itong mabasa ay gumawa siya agad ng limang kopya pa nito at ipinamahagi. Hindi naman daw nagpakita sa kanya si Rose.

Si Rey Tiñana ng Dasmariñas, Cavite ay pinagpakitaan din ni Rose, noong araw na malimutan niya itong ipamahagi. Hindi naman daw siya sinaktan, ngunit ang pagpapakitang iyon ang nagsilbing paalala ng kanyang tungkulin.

Marami pang mga pangyayaring naganap pagkatapos noon ngunit 'di na naitala upang manatiling maikli ang nilalaman ng sulat.

Sa aking pagsasaliksik:

Ang mga chain letters ay kadalasang naglalaman ng mga mensaheng kumukumbinsi sa mga mambabasa para maipasa/ipabasa ang sulat na iyon sa iba pa. Kalimitang may mga pangakong suwerte ang sulat o di kaya nama’y mamalasin o mumultuhin o dadalawin ng kung ano-ano kapag hindi nagawa ng mambabasa ang nakasaad sa sulat. Sa kasalukuyang panahon, hindi na lang sa aktuwal na mga sulat kumakalat ang chain letters/messages kundi pati na rin sa mga e-mail, social networking sites at maging sa text.


May dalawang uri ang Chain Letter
1.     Panlilinlang. Ito ay ginagamit upang makapanloko. Maaaring iutos ng gumawa ng sulat na magpadala ng pera sa isang account sa bangko, upang makatulong at suwertehin.
2.     Urban Legend. Ito naman ay karaniwang nagdadala ng takot sa mga makababasa ng liham.

Sadyang napakalikot nga ng pag-iisip natin. Sa totoo lang lahat ng chain letters ay walang negatibong epektong naidudulot kundi ang masasayang mong oras sa pagbabasa at pagpapasa ng mga ito.

Sa huli, tanging pananalig lang sa Diyos ang makapagliligtas sa iyo sa anumang kapahamakan. Kung mahina ang paniniwala mo, talo ka.

Note:  Ipasa sa sampung kaibigan at may suwerteng darating sa ’yo makalipas ang dalawampung libong taon. 

Biyernes, Abril 26, 2013

Kontrast


Inatasan kami ni Sir Egay na gumawa ng baryasyon ng unang dalawang linya ng kanta ng Eraserheads na may pamagat na "Ang Huling El Bimbo" na hindi pa nagagawa ng kanyang dating klase o ni Adam David sa kanyang libro na The El Bimbo Variations. Dito sa aking blog, sinikap kong gumawa ng sarili kong baryasyon. Typographic art na ginawa ni Christian Bök na may pamagat na "Odalisque" ang aking naging inspirasyon dito.



Dahil sa maraming kabataan ngayong hindi na nakakikilala kay Paraluman, gumawa ako ng isang tulang may adaptasyong banyaga. Ang tawag dito sa tulang aking ginawa ay English Rondeau na nang galing sa England. Ginawa ko ito dahil naniniwala akong hindi sapat lamang na ipakilala si Paraluman sa visual poetry bagkus dapat din sa isang tulang tradisyonal, may tugma at sukat. Sa pamamagitan din nito, lalong maipapakita ang pagkakaiba ng dati at ngayon. Kaya narito ang tulang aking ginawa:



Kamukha noon ni Paraluman,
Sa pagsayaw, hahanga sino man;
Mga bata pa nga kami noon;
Kahit na anuman ang panahon,
Napapasaya ang karamihan.

Nais ko ngang ikaw ay ligawan;
Ngunit, ako ay nag-alinlangan;
Humahanap ng pagkakataon;
Kamukha noon...

Isang araw ako’y sinamahan;
El bimbo nga, ako’y tinuruan;
'Di sinayang ang pagkakataon,
Inabot na nang buong maghapon;
Ligaya nati’y 'di matawaran.
Kamukha noon...