Biyernes, Enero 25, 2013

I-Photoshop mo!




          Alam naman natin na sa umaabanteng teknolohiya ngayon marami ng bagay ang posible. Kung dati ay makinilya ang gamit ng mga tao, ngayon, mas "high-tech" o mas moderno na dahil sa kompyuter. Bukod dito, sa tulong pa ng mga "programs" o "apps", mas dumadami ang puwede mong gawin sa kompyuter, tulad ng "Microsoft Powerpoint", "Prezzi" at madami pang iba. Isa nga sa mga "programs" na may malaking naitulong sa mga tao ay ang "Adobe Photoshop" na ginagamit upang ayusin at pagandahin ang mga larawan. Sa madaling salita, nanglilinlang ito upang mapaniwala tayo sa mga bagay na hindi naman totoo pero puwedeng magkatotoo. Maari itong ihalintulad sa mga ospital na nagsasagawa ng "plastic surgery", kung saan ipinapakita nila na puwedeng mangyari iyong ipinakita nilang larawan sa iyo ngunit hindi mo naman alam kung totoo ba talaga iyon. Para mapatunayan ito, naghanap ako ng mga larawan sa "internet" at sinubukan kong "i-Photoshop" ang mga ito. Ganito ang kinalabasan:

Nalaman kong…

 ang maiitim ay maaring paputiin,

 ang matataba ay maaaring papayatin,


ang mga hindi kanais-nais na sakit sa balat
(taghiyawat, peklat, atbp) ay kayang burahin.

Maniniwala ka ba na ang mga ito ay gawa ko lamang sa "Photoshop"? Siyempre kung hindi ko sinabi hindi mo naman malalaman. Lahat ng mga larawan, sa isang pitik, kayang kayang gawan ng "Photoshop" ng paraan. Kung maaaring ganito na lang din sana kasimple ang ating buhay.

Kung sana ganoon kabilis lang na…

 ang madilim na buhay ay kayang paliwanagin,
 
ang nawasak na pamilya’y muling pagbuklurin,
 
ang mga tahanang nasalanta ng sakuna ay muling buuhin.

Sa totoong buhay, tila napakahirap kung tutuusin. Mahabang proseso pa ang kailangang danasin. Tanging panahon lang ang kayang humilom sa lahat ng mga problema at sugat natin. Kaya’t sa bawat hakbang na ating gagawin, atin itong isipin… Ito ba’y makabubuti o makasasakit lang sa atin?

Kaya’t habang maaga pa, buhay sana'y ayusin. I-photoshop mo…

- Zernon Ezra Y. Chan (120847), I – BS ME, FIL 12 – VV

Biyernes, Enero 18, 2013

Yosi Tol!



Napakaliit ng sigarilyo o “yosi” pero bakit tila napakaraming tao ang nahuhumaling dito at kung minsan ay nagiging alipin pa nito. Ang pagkahumaling na ito ang nagsisilbing rehas na di nakikita ng mga mata. At dahil dito nagiging bilanggo sila dahil sa pagkalulong sa ganitong bisyo.  

Sa una paisa – isang istik lang, hanggang sa maging dalawa, tatlo, lima hanggang sa maging isang kaha na sa isang araw. Hithit-buga, hithit-buga, hanggang sa nahirapan nang huminga at tuluyan nang magkasakit!

Maraming kaakibat na problema ang paninigarilyo ng tao. Ang pagkasira ng mga ngipin, pagbaho ng hininga at ang tuluyang pagkasira ng baga ng tao ay ilan sa mga pinakamatinding epekto ng paninigarilyo. Kung iisipin, sa bawat hithit ng sigarilyo ay unti unti nilang pinapatay hindi lang ang sarili nila, pati na rin ang kapwa nila sa tuwing makalalanghap ng usok na galing sa isang naninigarilyo. Ayon sa pag aaral may mahigit 7,000 kemikal ang nakapaloob sa usok na nagmumula sa sigarilyo na nakasasama sa kalusugan ng tao. Bukod pa rito ang usok ng sigarilyo ay isa rin sa mga sanhi ng polusyon sa hangin na sumisira rin ng ating kapaligiran.

           Kung may pakialam ka, magpapabilanggo ka pa ba sa rehas ng sigarilyo? Magyoyosi ka pa ba tol?

Zernon Ezra Y. Chan
 (120847), I – BS ME, FIL 12 – VV