Biyernes, Pebrero 15, 2013

“BAWAL” Basahin Ito!



           Bawal magtapon ng basura rito! Bawal umihi rito! Bawal tumawid may namatay na rito! Bawal manigarilyo rito! Bawal na gamot! At napakarami pang ibang ipinagbabawal. Sadya nga bang masarap gawin ang bawal? O talagang wala lang tayong disiplina? Kadalasan mas ginagawa pa nga kung alin pa 'yung mga ipinagbabawal.

Naalala ko tuloy 'yung isang sisting nabasa ko kamakailan tungkol sa mga dating Presidenteng Marcos (Pilipinas) at Reagan (Amerika).

Minsan nang bumisita si dating Presidente Reagan dito sa Pilipinas, iniikot siya ni Marcos sa Maynila. Napadaan sila sa Rizal Park at napansin ang isang lalaking umiihi rito. Humagalpak ng tawa si Reagan at sinabing "Ito pala ang bersiyon ng mga Pilipino ng palikuran. Hindi ka makakikita ng ganito sa Amerika." Hiyang hiya si Marcos sapagkat ibinida pa naman ng asawa niyang si Imelda kung gaano kaganda ang Pilipinas.

Noong panahon naman na si Marcos ang bumisita sa Amerika, natawa siya noong nakita niya ang isang lalaking umiihi sa The Rock Creek Park habang ipinapasyal din siya ni Reagan. Sa pagkakataong ito, naisip niya na sa wakas ay makababawi na rin siya kay Reagan.

Itinuro niya ito kay Reagan at namula ito sa kahihiyan.

"Hindi ko pala ito makikita sa Amerika ha?" sambit ni Marcos.

Nagpasiya silang lapitan ang lalaki at nang mapansin ng lalaki na may papalapit, tinitigan niya ito at ngumisi sabay sambit ng "Aba'y si Presidente Marcos pala!"
            
Tinamaan ka ng magaling! Pilipino pala.

           Sa aking pagmumuni-muni, napakaraming tanong ang sumagi sa aking isipan. Mas magiging maayos kaya kung babaligtarin natin ang lahat? Ang mga wastong palikuran ay lagyan natin ng bawal umihi rito, at ang mga tamang tawiran ay lagyan ng bawal tumawid dito, nakamamatay, o ang mga basurahan ay lagyan ng bawal magtapon ng basura rito? Alin kaya ang mas susundin natin? 'Yung Bawal o 'yung tama? Kailan kaya tayo matututo?

-Zernon Ezra Y. Chan (120847), I - BS ME, FIL 12 - VV






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento