Lunes, Marso 11, 2013

ba•líw




Inatasan kami ni Sir Egay na gumawa ng isang blog tungkol sa isang salitang Filipino na nabura na o may panganib ng pagkabura sa ating alaala at mahalaga rin daw na nagbubunyag ang salitang ito ng natatanging halagahan ng ating bayan. Para sa pagsasanay na ito, ang pinili kong salita ay balíw.

balíw png [ST] baníg
balíw pnr 1: nawala ang katinuan ng isip; walang bait 2: Sik matinding kawalan ng kakayahang pangkaisipan at pagkilála sa sariling katauhan dahil sa pagkawala o pinsala sa mga neuron sa utak at nakikilála sa pamamagitan ng pagkasirà ng gunita, pagbabago ng personalidad, at magulóng pangangatwiran 3: [ST] sari-saring bagay na pinagsanib, hal para gumawa ng pansamantalang silungan. (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino)

Nang una kong makita ang salitang ito, ang unang pumasok sa isip ko'y, "Wow! May iba palang ibig sabihin ang salitang balíw maliban sa karaniwang nosyon ng mga tao." At nang sandaling iyon alam ko na kung ano ang ipakikilala ko sa madla. Ngunit, may biglang sumagi sa isip ko, "Paano ko kaya ipakikilala ang salitang ito sa malikhaing paraan?" Bigla kong naalala lahat ng pagsasanay na ginawa namin kay Sir Egay at dito sa aking blog, tinangka kong gawin ang ilan sa aming mga pagsasanay. Una sa aking mga naalalang pagsasanay ay 'yung pagsasanay bilang 12 na tungkol sa Tanaga, Dalit at Diona. Ngunit, naisip ko na masyado yatang madali kapag ito lang ang ginawa ko kaya hinaluan ko siya ng pagsasanay bilang 11 na tungkol naman sa Lipogram. Bukod dito, dahil sa may tatlong pangunahing ibig sabihin ang salitang balíw, ginawa kong anyong bugtong ang aking mga tula. Subukin mo namang sagutan ang mga bugtong.

Tanaga (Lipogram sa letrang E)

Kung gabi ay malapad,
Kung araw ay matangkad.
Hanap ng taong pagod
Na galing sa pagkayod.

Dalit (Lipogram sa letrang O)

Uminit at umulan man,
P'wede siyang maasahan.
Hindi kayang matawaran,
Ang dala niyang kublihan.

Diona (Lipogram sa letrang I)

Malungkot, tumatawa,
Karununga'y problema,
Pagpuna ang pag-asa.

Tatlong magkakaibang bugtong, iisa ang sagot, balíw, ngunit iba-iba ang kahulugan. Para sa unang bugtong, balíw na may ibig sabihing baníg ang sagot. Para naman sa ikalawa, silungan ang sagot na halimbawa ng sari-saring bagay na pinagsanib at para naman sa ikatlo ay balíw rin ngunit may ibig sabihin namang nawala ang katinuan ng isip o walang bait. Kita mo kung gaano ka iba ang ibig sabihin ng salitang balíw dati at ngayon?

Gumawa rin ako ng univocalism sa letrang A na kabilang sa pagsasanay bilang 11 para sa tatlong ibig sabihin niya at para rin mas lubos na maipaliwanag ang ibig sabihin ng salitang ito. Ang una para sa may ibig sabihing sari-saring bagay na pinagsanib, hal para gumawa ng pansamantalang silungan. Ang ikalwa para sa may ibig sabihing baníg at ang ikatlo para sa may ibig sabihing nawala ang katinuan ng isip o walang bait.


Sanga, kawayan,
Tabla at patpat,
'Pag sama-sama'y
Pansamantalang bahay.

Sa lapag nakalatag,
Para sa lahat,
Bata at matanda,
Nakadapa.

Patpat ang tangan,
Pakalat-kalat sa daan,
Walang karamay,
Salat sa yaman.









          Hindi ko lubos maisip na baliw pala ang tawag sa banig noong unang panahon. Baliw din ang mga sari-saring bagay na pinagsama-sama upang makagawa ng panibagong bagay o produkto. Sa aking palagay ang kasalukuyang baliw na walang katinuan ay dito rin ibinase ang katawagan. Sari saring bagay ang kanyang iniisip at pinagkakaabalahan, gayundin naman ang mga problemang kanyang dinadala. Ang produkto, ang pagkawala sa wastong katinuan.
Sadyang napakayaman ng ating bansa pag dating sa ating kultura at wika. Nakatutuwang isipin na kahit na napakarami nating dayalekto ay nagkakaintindihan pa rin tayo. Ngunit sa paglipas ng panahon ay tila ba nakakalimutan na natin ang ilan sa mga salitang ginagamit noon ng ating mga ninuno. Siguro ay dahil na rin sa impluwensiya ng iba’t ibang kultura at lahi na pumapasok at lumalabas sa ating bansa. Gayun din naman ang mabilis na pag arangkada ng teknolohiya, ang TV, Cellphone, at Internet ay may malaking epekto rin sa mga pagbabagong ito.


Ang mga salitang ito kung di man mawala ay maaaring magbago ang kahulugan sa paglipas ng panahon. Kaya’t sa pamamagitan ng blog na ito ay nais kong ipabatid sa mga mambabasa at sa mga susunod pang henerasyon na may halaga rin ang baliw, maging ano pa man ang kahulugan nito.

Sanggunian:

Almario, Virgilio S., ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Revised ed. Pasig City: Anvil Publishing, 2010.

Biyernes, Marso 8, 2013

Bakit hindi p'wedeng maging mayaman ang lahat ng tao?


Lahat ng tao ay naghahangad yumaman. Gusto pa ng karamihan ay agad-agad. Ito siguro ang dahilan kung bakit marami ang tumataya sa lotto. Habang lumalaki ang premyo, humahaba rin ang mga pila rito. Kung lahat ng tao ay mayaman, makabubuti nga ba ito o makasasama lamang?
Kung ang lahat ng tao ay mayaman:

  • Wala na sigurong taong magugutom. Lahat ng pagkaing gusto nilang bilhin ay abot kamay na nila.
  • Mabibili na ng tao ang mga gusto nilang damit o kasuotan.
  • Wala nang nakatira sa kalye kasi lahat ng tao ay may sarili ng bahay at lupa. Wala ng mga pulubi sa daan na mangunguhit sa iyo para manghingi ng barya.
  • Wala na ring taong mangmang kasi lahat ng tao ay makapag-aaral na.
  • Makabibili na rin ang mga tao ng mga sasakyan.Makapupunta na sila sa lahat ng lugar na naisin nila, kahit saan at kahit kailan.
  • Lahat ng sakit o karamdaman ng tao ay maipagagamot na.
  • Wala na ring magnanakaw kasi mayaman na ang lahat.
  • Lahat ng kagamitan sa bahay ay mabibili na rin ng bawat tao, pati na rin ang lahat ng luho sa katawan.

Mabuti iyon sa palagay ko. Matatamasa na natin ang kaginhawahan ng buhay. Ngunit dapat din nating isaalang-alang kung ano ang mga negatibong epekto nito sa atin.

  • Wala nang bibigyan ng tulong pinansyal o materyal ang mga taong sinusumpong ng kabutihan.
  • Wala na ring taong magbebenta ng boto nila sa mga pulitiko tuwing eleksyon. Kawawa naman 'yung mga nakaupo hindi na nila magagamit ang kanilang mga "powers" pagdating ng eleksyon. Kung sa bagay, baka wala na ring gustong tumakbo kasi abala lang naman ito sa kanila, mayaman na rin naman sila.
  • Dadami rin ang mga taong matataba dahil nakakain na nila ang mga gusto nilang kainin kahit anong oras o panahon.
  • Sa dami ng sasakyan sa kalsada, titindi pa ang trapiko. Mas kakapal ang usok at dadami ang polusyong dulot ng mga sasakyang ito.
  • Wala na rin sigurong matitirang puno dahil ginamit na ito sa pagpapatayo ng mga bahay at naglalakihang gusali. Maaari ring mas tumindi pa ang pagbaha dulot nang pagkaubos ng ating mga kagubatan.
  • Hindi na rin siguro makikilala ng susunod na henerasyon ang lahat ng klase ng mga hayop dahil naubos na rin ang mga ito kawalan ng matitirhan (ang kagubatan).
  • Hindi na rin kailangang magsumikap sa pag-aaral kasi mabubuhay naman ang tao kahit hindi mag-aral kasi mayaman na naman sila.
  • Wala na rin sigurong magtatagal na negosyo. Wala na kasing gustong mamasukan pa dahil mayaman na rin ang iba pa. Sino na lang ang magiging hardinero? O kusinero? Driver? Katulong? Taga-walis ng kalat sa kalsada? Service crew sa isang fast food chain? Saleslady? Kargador? Matador? Mangingisda? Magsasaka? Guro? Doctor? Sino ang gagawa ng mga sasakyan? Sapatos? Bahay? Cellphone? Damit? Atbp? Sino ang maghahanda ng pagkain? Kaya siguro itong gawin ng makina o robot pero mahihigitan kaya nila ang gawa ng tao? Sino naman ang gagawa ng mga robot na ito?

               Nilikha ng Diyos na patas ang mundo. Pantay-pantay na karapatan, pantay-pantay na pagkakataon. Kung magsisimula tayong muli at bibigyan ng kahit tig-iisang milyon ang bawat tao, higit na aasenso at yayaman pa rin ang mga taong naging masipag. Mananatili namang mahirap ang mga taong hanap lamang ay puro sarap.
Magkakatalo ang lahat sa pagkakaroon ng ambisyon, sa pagpupursige, pagkakaroon ng tamang diskarte at kaalaman upang makamit ang kaunlarang inaasam. Lagi rin nating isa-isip na lahat ng bagay ay nauubos din at may hangganan.

- Zernon Ezra Y. Chan (120847), I - BS ME, FIL 12 - VV

Biyernes, Marso 1, 2013

ANG SIMULA




NAHIHIRAPAN AKO SA                      TUWING LALAYO KA.
TUWING KASAMA KITA WALA NA      AKONG HAHANAPIN PANG IBA.
LAGING IKAW ANG AKING NASA ISIP, MAGING SA AKING PANAGINIP.
DAPAT SUNDIN KO ANG TINITIBOK NG PUSO KONG ITO, IKAW LANG TALAGA
AT WALA NG IBA. DAHIL MAHAL NA NGA KITA, IBIBIGAY KO SA IYO ANG
LAHAT NG BAGAY. MAGING ANG BUHAY KO’Y SA IYO LANG I-AALAY.
GINAGAWAN MO NG DAHILAN UPANG AKO’Y LAGING MAPANGITI,
DAHILAN UPANG TAYO AT ATING PAGKAKAIBIGAN AY LALONG TUMINDI.
MAGKATAMPUHAN MAN TAYO, AY AGAD DING AAYUSIN.
HAYAAN MO NA AKONG MAHALIN KA NG LUBOS.
LUMAYO SA IYO AY HINDI KO MAGAGAWA.
NAKAPAPAGOD MAN ANG MAGHAPON MA'Y 'DI
 ANG LAHAT NG ITO, AY KAYA MONG . 
WAKASAN. GUSTO KO SANANG
I-LEVEL UP NA NATIN ANG
ATING PAGKAKAIBIGAN.
AYAW KO NA NG GANITO.
NAKASASAWA.
PUWEDE BANG
MAGING
TAYO?


Mukha bang may galit? Maraming bagay ang 'di nakikita sa dilim. I-highlight ang tula upang mabasa ng buo.



- Zernon Ezra Y. Chan (120847), I - BS ME, FIL 12 - VV