Biyernes, Marso 8, 2013

Bakit hindi p'wedeng maging mayaman ang lahat ng tao?


Lahat ng tao ay naghahangad yumaman. Gusto pa ng karamihan ay agad-agad. Ito siguro ang dahilan kung bakit marami ang tumataya sa lotto. Habang lumalaki ang premyo, humahaba rin ang mga pila rito. Kung lahat ng tao ay mayaman, makabubuti nga ba ito o makasasama lamang?
Kung ang lahat ng tao ay mayaman:

  • Wala na sigurong taong magugutom. Lahat ng pagkaing gusto nilang bilhin ay abot kamay na nila.
  • Mabibili na ng tao ang mga gusto nilang damit o kasuotan.
  • Wala nang nakatira sa kalye kasi lahat ng tao ay may sarili ng bahay at lupa. Wala ng mga pulubi sa daan na mangunguhit sa iyo para manghingi ng barya.
  • Wala na ring taong mangmang kasi lahat ng tao ay makapag-aaral na.
  • Makabibili na rin ang mga tao ng mga sasakyan.Makapupunta na sila sa lahat ng lugar na naisin nila, kahit saan at kahit kailan.
  • Lahat ng sakit o karamdaman ng tao ay maipagagamot na.
  • Wala na ring magnanakaw kasi mayaman na ang lahat.
  • Lahat ng kagamitan sa bahay ay mabibili na rin ng bawat tao, pati na rin ang lahat ng luho sa katawan.

Mabuti iyon sa palagay ko. Matatamasa na natin ang kaginhawahan ng buhay. Ngunit dapat din nating isaalang-alang kung ano ang mga negatibong epekto nito sa atin.

  • Wala nang bibigyan ng tulong pinansyal o materyal ang mga taong sinusumpong ng kabutihan.
  • Wala na ring taong magbebenta ng boto nila sa mga pulitiko tuwing eleksyon. Kawawa naman 'yung mga nakaupo hindi na nila magagamit ang kanilang mga "powers" pagdating ng eleksyon. Kung sa bagay, baka wala na ring gustong tumakbo kasi abala lang naman ito sa kanila, mayaman na rin naman sila.
  • Dadami rin ang mga taong matataba dahil nakakain na nila ang mga gusto nilang kainin kahit anong oras o panahon.
  • Sa dami ng sasakyan sa kalsada, titindi pa ang trapiko. Mas kakapal ang usok at dadami ang polusyong dulot ng mga sasakyang ito.
  • Wala na rin sigurong matitirang puno dahil ginamit na ito sa pagpapatayo ng mga bahay at naglalakihang gusali. Maaari ring mas tumindi pa ang pagbaha dulot nang pagkaubos ng ating mga kagubatan.
  • Hindi na rin siguro makikilala ng susunod na henerasyon ang lahat ng klase ng mga hayop dahil naubos na rin ang mga ito kawalan ng matitirhan (ang kagubatan).
  • Hindi na rin kailangang magsumikap sa pag-aaral kasi mabubuhay naman ang tao kahit hindi mag-aral kasi mayaman na naman sila.
  • Wala na rin sigurong magtatagal na negosyo. Wala na kasing gustong mamasukan pa dahil mayaman na rin ang iba pa. Sino na lang ang magiging hardinero? O kusinero? Driver? Katulong? Taga-walis ng kalat sa kalsada? Service crew sa isang fast food chain? Saleslady? Kargador? Matador? Mangingisda? Magsasaka? Guro? Doctor? Sino ang gagawa ng mga sasakyan? Sapatos? Bahay? Cellphone? Damit? Atbp? Sino ang maghahanda ng pagkain? Kaya siguro itong gawin ng makina o robot pero mahihigitan kaya nila ang gawa ng tao? Sino naman ang gagawa ng mga robot na ito?

               Nilikha ng Diyos na patas ang mundo. Pantay-pantay na karapatan, pantay-pantay na pagkakataon. Kung magsisimula tayong muli at bibigyan ng kahit tig-iisang milyon ang bawat tao, higit na aasenso at yayaman pa rin ang mga taong naging masipag. Mananatili namang mahirap ang mga taong hanap lamang ay puro sarap.
Magkakatalo ang lahat sa pagkakaroon ng ambisyon, sa pagpupursige, pagkakaroon ng tamang diskarte at kaalaman upang makamit ang kaunlarang inaasam. Lagi rin nating isa-isip na lahat ng bagay ay nauubos din at may hangganan.

- Zernon Ezra Y. Chan (120847), I - BS ME, FIL 12 - VV

2 komento: