Inatasan kami ni Sir Egay na
gumawa ng isang blog tungkol sa isang salitang Filipino na nabura na o may
panganib ng pagkabura sa ating alaala at mahalaga rin daw na nagbubunyag ang
salitang ito ng natatanging halagahan ng ating bayan. Para sa pagsasanay na
ito, ang pinili kong salita ay balíw.
balíw png
[ST] baníg
balíw pnr
1: nawala ang katinuan ng isip; walang bait 2: Sik matinding
kawalan ng kakayahang pangkaisipan at pagkilála sa sariling katauhan dahil sa
pagkawala o pinsala sa mga neuron sa utak at nakikilála sa pamamagitan ng
pagkasirà ng gunita, pagbabago ng personalidad, at magulóng pangangatwiran 3:
[ST] sari-saring bagay na pinagsanib, hal para gumawa ng
pansamantalang silungan. (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino)
Nang una kong makita ang salitang
ito, ang unang pumasok sa isip ko'y, "Wow! May iba palang ibig sabihin ang
salitang balíw maliban sa karaniwang nosyon ng mga tao." At nang sandaling
iyon alam ko na kung ano ang ipakikilala ko sa madla. Ngunit, may biglang
sumagi sa isip ko, "Paano ko kaya ipakikilala ang salitang ito sa malikhaing
paraan?" Bigla kong naalala lahat ng pagsasanay na ginawa namin kay Sir
Egay at dito sa aking blog, tinangka kong gawin ang ilan sa aming mga
pagsasanay. Una sa aking mga naalalang pagsasanay ay 'yung pagsasanay bilang 12
na tungkol sa Tanaga, Dalit at Diona. Ngunit, naisip ko na masyado yatang
madali kapag ito lang ang ginawa ko kaya hinaluan ko siya ng pagsasanay bilang
11 na tungkol naman sa Lipogram. Bukod dito, dahil sa may tatlong pangunahing
ibig sabihin ang salitang balíw, ginawa kong anyong bugtong ang aking mga tula.
Subukin mo namang sagutan ang mga bugtong.
Tanaga (Lipogram sa letrang E)
Kung gabi ay malapad,
Kung araw ay matangkad.
Hanap ng taong pagod
Na galing sa pagkayod.
Dalit (Lipogram sa letrang O)
Uminit at umulan man,
P'wede siyang maasahan.
Hindi kayang matawaran,
Ang dala niyang kublihan.
Diona (Lipogram sa letrang I)
Malungkot, tumatawa,
Karununga'y problema,
Pagpuna ang pag-asa.
Tatlong magkakaibang bugtong, iisa
ang sagot, balíw, ngunit iba-iba ang kahulugan. Para sa unang bugtong, balíw na
may ibig sabihing baníg ang sagot. Para naman sa ikalawa, silungan ang sagot na
halimbawa ng sari-saring bagay na pinagsanib at para naman sa ikatlo ay balíw
rin ngunit may ibig sabihin namang nawala ang katinuan ng isip o walang bait.
Kita mo kung gaano ka iba ang ibig sabihin ng salitang balíw dati at ngayon?
Gumawa rin ako ng univocalism sa
letrang A na kabilang sa pagsasanay bilang 11 para sa tatlong ibig sabihin niya
at para rin mas lubos na maipaliwanag ang ibig sabihin ng salitang ito. Ang una
para sa may ibig sabihing sari-saring bagay na pinagsanib, hal para
gumawa ng pansamantalang silungan. Ang ikalwa para sa may ibig sabihing baníg
at ang ikatlo para sa may ibig sabihing nawala ang katinuan ng isip o walang
bait.
Sanga, kawayan,
Tabla at patpat,
'Pag sama-sama'y
Pansamantalang bahay.
Sa lapag nakalatag,
Para sa lahat,
Bata at matanda,
Nakadapa.
Patpat ang tangan,
Pakalat-kalat sa daan,
Walang karamay,
Salat sa yaman.
Hindi ko lubos maisip na baliw pala ang tawag sa banig noong unang panahon. Baliw din ang mga sari-saring bagay na pinagsama-sama upang makagawa ng panibagong bagay o produkto. Sa aking palagay ang kasalukuyang baliw na walang katinuan ay dito rin ibinase ang katawagan. Sari saring bagay ang kanyang iniisip at pinagkakaabalahan, gayundin naman ang mga problemang kanyang dinadala. Ang produkto, ang pagkawala sa wastong katinuan.
Sadyang
napakayaman ng ating bansa pag dating sa ating kultura at wika. Nakatutuwang
isipin na kahit na napakarami nating dayalekto ay nagkakaintindihan pa rin
tayo. Ngunit sa paglipas ng panahon ay tila ba nakakalimutan na natin ang ilan
sa mga salitang ginagamit noon ng ating mga ninuno. Siguro ay dahil na rin sa
impluwensiya ng iba’t ibang kultura at lahi na pumapasok at lumalabas sa ating
bansa. Gayun din naman ang mabilis na pag arangkada ng teknolohiya, ang TV,
Cellphone, at Internet ay may malaking epekto rin sa mga
pagbabagong ito.
Ang mga salitang
ito kung di man mawala ay maaaring magbago ang kahulugan sa paglipas ng
panahon. Kaya’t sa pamamagitan ng blog na ito ay nais kong ipabatid sa mga
mambabasa at sa mga susunod pang henerasyon na may halaga rin ang baliw, maging
ano pa man ang kahulugan nito.
Sanggunian:
Almario, Virgilio S., ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Revised ed. Pasig City: Anvil Publishing, 2010.
Sanggunian:
Almario, Virgilio S., ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Revised ed. Pasig City: Anvil Publishing, 2010.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento