Sabado, Mayo 11, 2013

Buhay Manok



http://www.thejrexperiment.com/wp-content/uploads/2013/03/chicken+man.jpg



Kadalasang nabubuhay ang alagaing manok sa loob ng apatnapu’t limang araw, at sa huling araw nito ay kinakatay ito upang ipagbili o di kaya nama’y kainin.

Ngunit paano kaya kung nabubuhay lang ang tao sa loob ng apatnapu’t limang araw? Mabilis din ang paglaki at pagtanda at sa huling araw ay mamamatay.

Paano na lang kung…

Unang araw:                Bagong silang pa lang…
Ikalawang araw:       Matututo ng gumapang, umupo, tumayo, maglakad at magsalita.
Ikatlong araw:             Matatas nang magsalita. Marunong na ring kumilala ng kulay at mga bagay-bagay sa paligid.
Ika-apat na araw:        Handa nang pumasok sa eskwelahan.
Ika-sampung araw:      Pagtatapos ng elementarya.
Ika-labing apat na araw: Pagtatapos ng sekondarya.
Ika-labing walong araw: Pagtatapos ng kolehiyo.

Labing walong mahahalagang mga araw upang pag-aralan lahat ng bagay sa buhay. May nalalabi pa tayong dalawampu’t pitong araw upang planuhing mabuti ang mga bagay na dapat nating gawin.

Kung mapagdadaanan mo ang mga araw na ito na makapag-aaral ka, napakasuwerte mo na, hindi ko lang lubos maisip kung paano ko ipagsisiksikan lahat ng mga dapat kong pag-aralan sa loob lang ng labing walong araw. Hindi ko rin lubos maisip kung papaano ka pa magkakaroon ng love life sa mga araw na iyon.

Simula sa ika-labing siyam na araw: Magtatrabaho? Maglilibang? Tutuparin ang pangarap? Mag-iipon? Magnenegosyo? Suwelduhan kada oras? Manliligaw o magpapaligaw? Mag-aasawa? Magkakaanak? Sa madaling salita, napakarami nating gustong gawin. Napakaraming dapat matutuhan at malaman at napakarami ring dapat isaalang-alang.

Parang kailan lang, tinuturuan pa lang tayong maglakad ng mga magulang natin. Tila napakabilis ng nagdaang labing walong taon sa akin. Paano pa kaya kung labing walong araw lang iyon. Maaatim kaya nating palipasin ang isang segundo man lang para makapagpasalamat sa mga magulang natin, at masabi sa kanilang mahal natin sila? Maipagwawalang bahala ba natin ang mga segundong daraan upang balewalain lang ang ating pag-aaral?

Sa totoo lang, maikli lang talaga ang buhay. Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo naririto. Ikaw? Paano mo balak gamitin ito?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento