Linggo, Mayo 12, 2013

Ngiti naman diyan!

              Sa pang-araw-araw nating buhay, napakarami nating nais iparating sa ating kapwa. Kung ikaw ay isang tindero, malaking tulong ang paglalagay ng mga karatula upang makaakit ng mamimili o para hindi siya paulit-ulit na nagsasalita. Mabilis ding maipababatid sa mga kinauukulan ang anumang bagay o anunsyo. Ngunit, may ilang karatulang imbis na makatulong ay nagdudulot pa ng kalituhan. Ang ilan dito ay nakatatawa at may ilan din namang nakaiinis. Para lubos na maintindihan ang aking nais ipahiwatig ay gumawa ako ng kuwento ukol dito para sa inyo (siyempre ako ang bida!).


Bakasyon noon at mainit ang panahon, at dahil nga walang pasok, nagkayayaan kaming magbabarkadang lumabas para lumangoy. Kinabukasan, handa na ang lahat. May kalayuan ang resort na aming pupuntahandalawang sakay pa ng dyip para makarating doon.
 
 Sa unang dyip na aming nasakyan, kapansin-pansin ang karatulang nakapaskil doon. Naintindihan naman naming "fare" ang ibig nitong sabihin pero napaisip din kami kung paano nga ba  kung "minimum fear" nga yun, dapat bang matakot talaga? At bawal ang bahagyang matakot lang kasi may "minimum"?


 


  Pagbaba namin ng dyip ay hindi napigilang tumawa ang isa sa mga kasama ko. Nang tanungin namin siya kung bakit, ay tumuro siya sa tindahan ng tsinelas at nagtanong sino ba kasi si Stepen? At bakit bente pesos lang siya? Lahat tuloy kami napatawa… Step-in pala ang ibig nitong sabihin.


Bago kami sumakay muli ng dyip ay bumili na kami ng tanghalian namin. Unang kainan na nadaanan namin ay ang Seafood & Oriental Restaurant. Mukha namang masarap ang pagkain dito, may isang problema lang, bukod sa mukhang mamahalin ang mga pagkain dito ay kumakain pa sila ng mga Europeans, ano ba 'yun?

Tinawag naman ng karinderyang ito ang aming pansin dahil sa kanyang nakaaasar na pangalan, Mang Inasar BBQ. Bukod sa alam naming "maaasar" ang ibig nitong sabihin at hindi "maasar" ay maaasar ka raw sa sarap. Naintriga kami rito kaya’t dito na kami bumili ng aming pananghalian at tunay ngang naasar kami sa sarap! 

 Noong nakabili na kami ng pananghalian ay tumungo na kami sa terminal ng dyip papunta sa resort. Biglang naihi naman ang aming kasama  kaya't sinamahan namin siya sa palikuran. Doon ay may nakita na naman kaming nakatatawang  karatula. ‘Babae EHI - BAWAS, LALAKE EHI LANG. Maliban sa alam naming "lalaki" ang tamang baybay ng "lalake" ay ibig din ba nitong sabihin ay bawal magbawas ang lalaki?
 
Pagkatapos umihi ay sumakay na kaming muli ng dyip. At oo, may nakatutuwang karatula na naman kaming nakita. Conyo at medyo sosyal pa ang dating nito: "Pull D String 2 make Para" at nakatutuwa rin naman kasi may pagkamoderno yung dyip.
Sa wakas nga ay nakarating na rin kami sa resort. Pagkatapos magbayad ay naghanda na kami para lumangoy.
Sa may "shower area" ay may nakapaskil na mga "Rules and Regulations" ng resort.
          Sa unang tingin ay mukha namang tama, pero kapag binasa mo na ang mga ito ay mapapansin ang ilang mga kamalian tulad ng ika-3. "Prohibited drugs are not allowed". Paulit-ulit lang ba ito? Prohibited na nga, not allowed pa? Hindi ba kapag prohibited talagang not allowed na naman? Ika-4, "Shower first before deeping to the pool." "Deeping" ba talaga o "dipping"? Sa tagalog, magbasâ muna bago magpakalalim? o lumublob? Ika-7, "We are not responsible for any losses of your valiable things." Ano ba ito? Ingatan ang mga "valiable things"? Hindi ba't "valuable" dapat? Ika-10, "For you convinience please ask for assistance." Ano daw? Hindi ba dapat "convenience" iyon? Hay nako, nakaloloko!
Naging masaya naman ang lahat. Masarap ang naging kuwentuhan at nakapagpalamig naman kahit paano. Noong pahapon na ay naggayak na kaming lahat para umuwi.

Nakatutuwang isiping sadyang masayahin lang tayong mga Pinoy. Buti na lang at kathang kuwento lang ito kasi kung nagkataong sa iisang araw lang nakita ang mga ito, paano na? Napagtanto ko na kung minsan may mga karatulang nakatutuwa sa pagbabakasakaling makatawag ng pansin upang sila’y kumita ngunit kadalasan ay mapapailing ka na rin lang dahil napakasimple lang naman ng ilalagay o isusulat, nagkakamali pa.  

             Maaaring may ilan sa makababasa nito ay nasiyahan, at mayroon din  namang nainis at nalungkot. Ngunit sa huli, maipagmamalaki pa rin natin ang pagiging Pilipino, dahil sa kabila ng lahat ng problemang dumaraan sa atin, nagagawa pa rin nating tumawa sa pamamagitan ng mga karatulang ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento