Linggo, Mayo 5, 2013

Hawa


             Nitong mga nagdaang linggo ay napagusapan namin sa klase ang tungkol sa tugmaan ng mga tradisyonal na anyo ng tula at muli akong napaalalahanan na hindi kinakailangang magkatulad ang huling titik o ang huling dalawang titik ng isang salita para tumugma sila. Ibig sabihin basta kabilang sila sa pangkat ng malakas o mahina o may impit o walang impit ay magkatugma sila. Para mas maunawaan namin ito ay nagpagawa ang aming guro ng isang pagsasanay upang mahasa ang kakayahan namin sa pagtutula at pagtutugma ng mga salita.

             Noong ginagawa ko ang aking pagsasanay ay kaakibat ko ang UP Diksiyonaryong Filipino upang matiyak ko kung ang salitang ito ay may impit ba o walang impit. Habang ako'y nagbubuklat ng naturang diksiyonaryo ay napansin ko ang mga kakaibang mga marka sa taas ng ilang mga letra at kinalaunan ay nalaman kong tuldik ang tawag sa mga ito. May anim na uri ng pagbigkas dito: maragsa, malumi, mabilis, malumay, mariin at malaw-aw. Noong nabasa ko ang mga ito, bigla kong naisip ang wikang Intsik, na katulad ng wikang Filipino, ay malaki rin ang bahagi ng mga tuldik sa ibig sabihin ng salita.

             Para mas maunawaan ito, ibig kong maging halimbawa ang salitang "hawa" na ayon sa UP Diksyonaryong ay may 6 na iba't ibang uri ng pagbigkas:

                         háwa png 1: lánit 2: Med pagkalat at pagkapit ng anumang
                         karamdaman mula sa isang tao patungo sa isa pa 3: pagiging
                         sangkot

                         hawá png: bakúran

                         hawà png: pagbibitiw

                         hawâ png: lulà

                         háwa pnr: ibá

                         hawà pnr: nakahiwalay o nakabukod

             Napakalaki talaga ng bahagi ng mga tuldik para lubusang maunawaan ng tao ang ibig mong sabihin. Kaya ang masasabi ko na lang ay:

             Ang hawa ni Mang Pekto sa trabaho ay may dalawang dahilan: una, madalas na siyang  mahawa tulad ng hawang kaedad niya at pangalawa, ibig niyang alagaan ang aso niyang hawa sa kabilang hawa dahil sa nakahahawang sakit nito.

             Tingin mo, anong ibig kong sabihin?

             Sirit ka na ba? Mag-comment sa ibaba kung interesadong malaman ang tamang sagot.

Sanggunian:
Almario, Virgilio S., ed. UP Diksiyonaryong Filipino. Revised ed. Pasig City: Anvil Publishing, 2010.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento